Thursday, December 18, 2008

December 17, 2008

http://www.gmanews.tv/story/139949/Krisis-di-naging-hadlang-sa-pagdalo-ng-mga-Pinoy-sa-Makkah

Krisis 'di naging hadlang sa pagdalo ng mga Pinoy sa Makkah
12/17/2008 10:16 AM

Email this Email the Editor Print Digg this Add to del.icio.us
JEDDAH, Saudi Arabia - Matagumpay na naisakatuparan ng mga Filipino pilgrims ang Hajj sa Makkah noong nakaraang Linggo, ayon sa Amerul Hajj sa taong ito na si Sulu Rep. Yusop H. Jikiri.

Ayon sa kongresista, ngayong taon ang isa sa pinakaorganisadong Hajj sa mga Pinoy pilgrim na kanyang naobserbahan. Bilang Amerul Hajj, si Jikiri ang namahala sa mga problemang kinaharap ng mga Pinoy pilgrim.

Sinabi ni Jikiri na naging madali para sa kanya ang pagsasagawa ng Hajj ngayong taon.Ang Hajj ang ikalimang haligi ng Islam at pinakamahalaga sa buhay ng mga Muslim. Ito ang panahon kung saan kailangan nilang pumunta sa Makkah para mag-ayuno, magsakripisyo at humingi ng kapatawaran kay Allah.

Ngunit dahil sa hirap ng buhay ngayon, hindi lahat ng mga Muslim na Filipino ay kayang gumastos para makapunta sa Makkah.Pinatotohanan ni Salem C. Sanihin, 13 ulit nang dumalo sa Hajj, ang malaking gastos sa Makkah kung saan umabot umano sa P200,000 ang ginastos niya ngayong taon. Sinabi niya na noong 1989 ay umaabot lamang sa P50,000 ang kanyang gastos sa Hajj.

Nilinaw ni Sanihin, mula sa Basilan at legal officer sa Office of the President National Commission on Indigenous People, na tanging may mga kaya lamang sa buhay ang obligado sa Hajj.

Sinabi naman ni Hajj Attaché Solaiman C. Mutya na isang 67-anyos na babaeng pilgrim ang namatay sa sakit na asthma at pneumonia. Agad umanong nailibing ang nasawi sa Makkah matapos maisaayos ang mga papeles nito.

Si Mutya ay itinalaga ng Malacanang bilang Hajj Attaché simula pa noong nakaraang taon at manunungkulan sa Jeddah para magbigay ng serbisyo sa mga Filipino pilgrims at asikasuhin ang mga delegado ng Pilipinas sa Hajj.

Tinatayang 4,831 ang bilang ng mga dumating sa Hajj, hindi pa kasama ang ilang mga indibidwal na Filipino na dumating bilang mga bisita ng mga international government organization at Ministry of Information.Kabilang sa mga nakiisa sa Hajj ay ang Presidential Envoy na si Sultan Jamalul Kiram, Undersecretary Ali B. Sangki ng Office on Muslim Affairs at ilang mga local government officials. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV