Sunday, August 2, 2009

August 1, 2009

http://www.gmanews.tv/story/168826/Mga-nais-maging-OFW-pinayuhang-tiyakin-kung-kakayanin-ang-kalungkutan

Mga nais maging OFW pinayuhang tiyakin kung kakayanin ang kalungkutan
08/01/2009 10:12 PM

JEDDAH, Saudi Arabia – Pinayuhan ng isang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa bansa ito ang mga Pinoy na nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa na tiyaking kakayanin nila ang kalungkutan na mawalan sa mga mahal sa buhay.

Ang payo ay ginawa ng opisyal matapos lumitaw na labis na kalungkutan ang nagtulak sa isang Pinay domestic helper kaya ito tumalon sa isang gusali na naging dahilan ng kanyang pagkaka-ospital.Ayon sa welfare officer ng Philippine Consulate General sa Saudi, tumalon umano mula sa unang palapag ng gusaling pinapasukan noong Hulyo 3 si Veronica Lascano, 24-anyos.Nagtamo ng pinsala sa katawan ang biktima at patuloy na nakaratay sa King Fahd Hospital sa Jeddah.

Sa panayam kay Lascano, sinabi nito na mabait naman ang kanyang mga amo at hindi rin niya maisip bakit niya nagawa ang tumalon. Inamin niya na lagi niyang naaalala ang kanyang pamilyang naiwan sa Pilipinas.

"Hindi ko po alam ang gulu-gulo ng isip ko noon. Kahit po ako iniisip ko kung bakit ko nagawa ‘yun," kuwento ni Lascano.“Wala naman akong problema sa amo ko. May mga kasama naman ako pero ‘di ko po alam kung bakit ko nagawa ‘yun, lagi nga po akong umiiyak at laging naiisip ang aking pamilya," idinagdag niya.

Tubong Malolos, Bulacan si Lascano at dumating sa Saudi Arabia noong Marso 2. Naiwan niya sa Pilipinas ang kanyang asawa at dalawang anak.

Dahil sa nangyari kay Lascano, pinayuhan ng mga opisyal sa konsulado ang mga nagbabalak na magtrabaho sa ibang bansa na tiyaking handa ang sarili sa kakaharaping kalungkutan sa abroad.Aminado naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Consulate General sa Jeddah na bagaman hindi na bago ang insidente ng mga tumatalon sa gusali, bagaman kakaiba ang sitwasyon ni Lascano.

Kadalasan umano na sa insidente ng pagtalon ng OFW sa gusali, ang biktima ay nakaranas ng pang-aabuso o pagmamaltrato ng kanilang mga amo.Ipinapahiwatig ni OWWA Welfare Officer Romualdo Exmundo na labis na kalungkutan o depresyon ang nasa likod ng pagtalon ni Lascano dahil na rin sa pag-amin nito na wala siyang problema sa kanyang amo.

Katunayan, sinabi ni Exmundo na nakikipagtulungan ang amo ni Lascano sa gobyerno para mapabalik na ito sa Pilipinas.

Pinayuhan din niya si Lascano na ihanda at itabi ang mga kakailanganing dokumento sa posibleng pagkuha niya ng benepisyo pag-uwi sa Pilipinas.“Payo ko sa kanya na itago nya lahat ang medical records nya at pagdating nya sa Pilipinas ay pumunta sa OWWA at titingnan kung ano ang step by step na dapat gawin para ma-evaluate ang kanyang sitwasyon," ayon kay Exmundo. - Ronald Concha, GMANews.TV

No comments: