Thursday, January 1, 2009

December 23, 2008

http://www.gmanews.tv/story/140898/DH-na-nawala-sa-katinuan-sa-Saudi-makauuwi-na-sa-Pilipinas

DH na nawala sa katinuan sa Saudi makauuwi na sa Pilipinas
12/23/2008 09:46 PM

Email this Email the Editor Print Digg this Add to del.icio.us
JEDDAH, Saudi Arabia – Matapos ang pananatili ng halos anim na buwan sa konsulado ng Pilipinas sa bansang ito, inaasahan na makakauwi na rin ang isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) na nawala sa kanyang katinuan.Ang OFW na pinangalang si “Judy" ay kabilang sa may 60 migranteng Pinoy na kinakanlong ngayon sa konsulado ng Pilipinas at umaasang darating ang araw makauuwi rin sa bansa para muling makapiling ang kanilang pamilya.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Adminsitration (OWWA) Welfare Officer Romualdo Exmundo, nahirapan silang ikuha ng exit visa si “Judy" dahil sa kakulangan nila ng impormasyon tungkol sa dati nitong amo.Dinala umano si “Judy" sa konsulado ng isang kapwa OFW na nagmalasakit ngunit wala na umano ito sa kanyang katinuan.

Bagaman hindi naman siya nanakit, sinasabing madalas itong tumawa at manghipo ng mga kapwa OFW na naghihintay na makabalik sa Pilipinas.Kapuna-puna rin umano ang pagsasayaw ni “Judy" at paglilis ng kanyang damit. Kung walang “sumpong," maaari umano itong kausapin ngunit sa pagtagal ng pag-uusap ay mapupuna na ang kanyang pagkawala sa sarili.

Idinagdag ni Exmundo na bukod kay “Judy" ay may tatlo pang OFWs sa konsulado na nawala sa katinuan ngunit ang dalawa ay napauwi rin kaagad sa tulong ng kanilang mga amo.Pinapaniwalaan na ang hirap ng kanilang trabaho bilang domestic helper ang isa sa dahilan kung bakit nawawala sa sarili ang ilang kababayan.

Ngunit nilinaw ng opisyal na ang bilang ng mga OFW na may problema ay lubhang maliit kung ikukumpara sa dami ng mga Filipino na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.“Gusto kong ipahayag sa inyo na sa mahigit isang milyong OFW na nandito sa Saudi ay hindi pa umaabot ng dalawang libo ang bilang ng mga may problema sa kanila.

‘Pag titingnan mo ay mas malaki pa rin ang bilang nang mga masasabi nating happy workers," ayon sa opisyal. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: