Friday, July 24, 2009

July 24, 2009

http://www.gmanews.tv/story/168163/OFWs-sa-Saudi-nangangambang-hindi-makaboto-sa-2010-polls

OFWs sa Saudi nangangambang hindi makaboto sa 2010 polls
07/24/2009 06:49 PM

YANBU, Saudi Arabia – Patuloy na nakararamdan ng alinlangan ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang ito kung magagamit nila ang kanilang karapatan na bumoto sa 2010 elections sa pamamagitan ng Overseas Absentee Voting (OAV).

Nakatakdang magtapos sa Agosto 30 ang pagpaparehistro sa OAV ng mga kuwalipikadong Pinoy na nasa labas ng Pilipinas upang makaboto sa posisyon ng presidente, bise presidente, senador at party-list representatives.Gayunman, pinaigting ng mga kinatawan ng embahada at konsulada ng Pilipinas sa Saudi ang kampanya para maparehistro ang mga bagong botante.

Sa Saudi Arabia, lingo-lingo nang dumarayo ang ilan sa mga tauhan ng embahada sa kanilang mga nasasakupan upang magproseso ng mga bagong botante. Naging matagumpay naman ang pagsisikap ng embahada dahil maraming bagong botante ang nagpatala sa Altawhid International School sa Yanbu.

Sinabi ni Elsa Masa, miyembro ng OAV Mobile team, mahigit 500 OFWs ang dumating at nagpatala sa loob lamang ng dalawang araw.Katuwang ng mga opisyal ng embahada ang mga Filipino Community group sa Saudi sa pangunguna ni Rey Vicencio at Alpha Phi Omega Alumni Association ng Western Region Yanbu.

Kasama rin sa mga nag-oorganisa ng pagpaparehistro sina Larry Cabagon at Nelly Manayao na nag-aasikaso sa mga OFW tulad ng paghahatid at pagsundo sa mga walang sasakyan, nagbibigay ng inumin at pagtulong sa pagpapapirma ng mga registration form.

Ang Yanbu ay isang industriyalisadong lungsod sa kanlurang bahagi ng Saudi Arabia at may layong 340 kilometro mula sa Jeddah kung saan matatagpuan konsulado ng Pilipinas na pagdarausan ng botohan.

Dahil sa layo ng lugar, hindi maiwasan ng ilang OFW na nagparehistro na magtanong kung makakaboto sila sa takdang panahon dahil na rin sa layo ng lugar na pagbobotohan nila.

Si Rico Fuerte, tubong Iloilo, nangangamba na baka masayang lang ang kanyang paghihirap sa malayong pagbiyahe upang magparehistro kung hindi naman sila makakaboto.“Gusto naming bumoto kaya kami nagpaparehistro (kala lang) baka masayang lang itong pagpila (sa pagpaparehistro)," pahayag ni Fuerte dahil sa distansiya ng pagdarausan ng botohan.Pakiusap ng OFW, gumawa ng paraan ang embahada upang matiyak na lahat ng nagpatala sa OAV ay makakaboto saan man lugar sila nandoon.

Iminungkahi naman ni Emily Orsales na magpadala ng kinatawan ang Commission ong Election sa Yanbu para marami ang makaboto sa halip na papuntahin sila sa Jeddah.Ang mungakhi Orsales ay sinuportahan ni Marietta Llarena na nagpahayag na nagawa ng embahada na magtungo sa kanilang lugar para sila makapagparehistro, kaya puwede rin silang bumalik sa Yanbu para matiyak na makaboboto sila. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV

No comments: