Saturday, July 4, 2009

June 9, 2009

http://www.gmanews.tv/story/164536/Pinay-kaya-Bangkay-ng-babae-sa-bag-nakita-sa-Jeddah

Pinay kaya?: Bangkay ng babae sa bag nakita sa Jeddah
06/09/2009 11:40 PM

JEDDAH, Saudi Arabia – Hiningi ng pulisya ng Jeddah ang tulong ng konsulada ng Pilipinas upang kilalanin ang labi ng isang babae na nakasilid sa bag na nakita sa Ruwais district.

Walang pagkakakilanlan sa biktima na nakita noong Mayo 17, maliban sa indikasyon na isa itong Asyano, nasa edad 20, may taas na 5'2 at katamtaman ang kulay ng balat.

Nagtungo sa tanggapan ni Consul General Ezzedin Tago sa Philippine Consulate General ang mga tauhan ng Jeddah police nitong Martes para magsagawa ng beripikasyon na finger print ng biktima.

Sinabi ni Khalid Alshaharani, may hawak ng kaso, walang nakitang pagkakakilanlan sa biktima dahil wasak na umano ang mukha nito.

Hinihinala na sinadyang sirain ang mukha ng biktima upang iligaw ang mga awtoridad.Ilang Filipino umano na nakatira malapit sa lugar na pinagkakitaan sa bangkay ang inimbitahan ng pulisya tungkol sa kaso pero pinalaya rin sila.

Nanawagan si Alshaharani sa mga Filipino na may kapamilya na nagtatrabaho sa Jeddah na biglang hindi nakipag-ugnayan sa kanila sa Pilipinas sa nakalipas na tatlong linggo na makipag-ugnayan sa konsulada ng bansa o sa mismong himpilan ng pulisya.

Nagpasalamat naman si Tago sa pulisya ng Jeddah sa ipinakitang pagmamalasakit ng mga awtoridad upang makilala ang biktima.Maaaring makipag-ugnayan sa konsulado sa Jeddah sa +966555219613 o +96626600348 at hanapin si Vice Consul Lorenzo Jungco o Consul Leo Tito L. Ausan Jr. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV

No comments: