Wednesday, February 25, 2009

February 24, 2009

http://www.gmanews.tv/story/150170/OFW-na-may-sakit-sa-pag-iisip-darating-sa-RP-mula-Jeddah

OFW na may sakit sa pag-iisip darating sa RP mula Jeddah
02/24/2009 04:45 PM
Email this Email the Editor Print
ShareThis
JEDDAH, Saudi Arabia – Pagkaraan ng mahigit isang taon na paghihintay, inaasahang darating na sa Pilipinas ngayong Martes ng hapon ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagkaroon ng sakit sa pag-iisip habang nagtatrabaho sa bansang ito.

Ang OFW na may inisyal na MBM, tubong Maguindanao ay sumakay ng Gulf Air nitong Lunes ng gabi, kasama si welfare officer Romualdo Exmundo. Si MBM ay isa lamang sa maraming distressed OFWs na nanunuluyan sa Filipino Workers Resource Center sa Saudi Arabia matapos tumakas sa kanilang mga amo.

Dahil sa kanyang kondisyon, hindi na umano maalala ni MBM ang pangalan ng kanyang anak at kung saang mga bansa siya nakapagtrabaho noon.Sa talaan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dinala si MBM sa Philippine Consulate sa Jeddah noong February 18, 2008.Ayon kay OWWA volunteer Jennebel Cuaresma, hindi na maayos ang pag-iisip ni MBM nang dalhin sa konsulado.

Ipinaliwanag naman ni Exmundo na natagalan ang pagproseso sa dokumento ni MBM para maiuwi siya dahil nahirapan silang tukuyin ang kanyang amo at ahensyang nagpadala sa kanya sa Jeddah.Sa pagtitiyaga, nagawang matukoy ng OWWA ang ahensya ni MBM ngunit isinara na ito. Sa kabila nito, nakuha naman ang rekord ng OFW sa Philippine Overseas Employment Administration kung saan napatunayan na legal itong nakapasok sa Saudi Arabia.

“Sa kabila ng nangyari ay pasalamat pa rin ako at nakipag cooperate din sa bandang huli ang employer (ni MBM). Ibinigay nya sa amin ang mga importanteng dokumento na hinihingi sa amin ng immigration kaya nakahinga ako doon," ayon sa opisyal.Sinabi naman ni Anang Ismael, isa sa mga OFW na kinakanlong center, na lubhang nakalulungkot ang sitwasyon ni MBM na dumating sa Saudi na normal ang kondisyon ngunit uuwi ngayon sa Pilipinas na may karamdaman.

“Si MBM ay biktima ng isang sirkumstansya kaya sya ay dinapuan ng ganyang karamdaman. Hindi naging maganda ang kanyang sinapit dito sa Gitnang Silangan dahil lamang sa hangaring matulungan at mabigyan ng kinabukasan ang kanyang pamilya," ayon kay Exmundo.

Idinadag ni Exmundo na mananatili muna sa kalinga ng OWWA sa Maynila si MBM hanggat hindi pa nakokontak ang kanyang pamilya sa Maguindanao. Si MBM ang ikaapat na OFWs na may sakit sa pag-iisip na naiuwi sa Pilipinas sa tulong ng OWWA mula noong Nobyembre 2008. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: