Tuesday, October 28, 2008

http://www.gmanews.tv/story/39642/Pinay-na-tinanggihan-sa-ospital-sa-Saudi-pumanaw-na

Pinay na tinanggihan sa ospital sa Saudi, pumanaw na
04/24/2007 09:11 PM

Email this Email the Editor Print Digg this Add to del.icio.us

Pumanaw na ang cancer patient na si Rosita Crisologo, ang Pinay OFW (Overseas Filipino Worker) na hindi pinayagang ma-confine sa pagamutan sa Saudi Arabia dahil sa kanyang pagiging illegal alien.

Ilang buwan ding inalagaan ng mga kapwa domestic helper (DH) si Rosita sa Kanlungan Center sa embahada ng Pilipinas sa Jeddah, batay sa ulat ng GMA7’s 24 Oras nitong Lunes.Subalit nitong Martes, ibinalita ng 24 Oras na pumanaw na si Rosita. Napaluha sa sama ng loob ang ama ni Rosita na si Emilio Siega dahil sa paniwalang pinabayaan ng embahada ng Pilipinas sa Saudi ang kanyang anak.“Parang hindi na ako naniniwala sa gobyerno natin dahil sa pangyayaring yan," ani Emilio. “February tumawag (si Rosita) sa akin. Sabi n'ya delikado ang kanyang lagay dahil pinagtatangkaan siya ng kanyang amo… hanggang sa dumating ang araw na siya ay nakatakas,"

ayon kay Emilio.Taong 2006 nang magtungo sa Saudi si Rosita para magtrabaho bilang beautician at mananahi. Ngunit tumakas ito sa kanyang amo dahil pinagtangkaan umano siya ng masama.Nadagdagan ang problema ni Rosita nang madulas siya sa banyo at tumama ang kanyang dibdib sa gripo nang minsang atakihin ng alta-presyon. Nang dalhin sa ospital, lumitaw sa pagsusuri na may breast cancer si Rosita. Subalit sa kabila ng kanyang kondisyon, hindi siya pinayagan ng ospital na ma-confine dahil sa kawalan nito ng pera at ilegal na ang pananatili sa bansa kahit pa inindorso na siya ng embahada.Napag-alaman na kailangan ang residence permit na magpapatunay na legal ang kanyang pagtira sa Saudi upang ma-confine sa ospital doon.

“Tinatanong ako (sa ospital) kung may pera ako, ang sagot ko wala," ayon kay Rosita nang makapanayam noong nabubuhay pa.Hindi rin makauwi sa Pilipinas si Rosita dahil kinuha ng kanyang employer ang kanyang pasaporte.Paniwala ng pamilya ni Rosita, wala pa siyang cancer nang magtungo sa Jeddah. Posibleng ang pagkakatama ng kanyang dibdib sa gripo ang maaaring nagpalala sa kanyang kalagayan.“Nandoon pa rin ang takot n'ya kasi nagbanta raw ang employer n'ya na kapag nakita (siya) ay papatayin (at) itatapon na lang," lumuluhang kuwento ni Sherryl, anak ni Rosita.

Itinanggi ng embahada na pinabayaan nila si Rosita at sinasabing malubha na ang kalagayan nito nang magtungo sa kanila.Nakiusap naman ang ina ni Rosita kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tulungan silang maiuwi kaagad ang labi ng kanilang anak upang makapiling nila sa huling pagkakataon. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

No comments: