Friday, October 31, 2008

January 7, 2008

http://www.gmanews.tv/story/75555/OFW-na-napatay-sa-saksak-sa-Yanbu-nakilala-na

OFW na napatay sa saksak sa Yanbu nakilala na
01/07/2008 03:28 PM

Kinilala na ang OFW na pinatay sa saksak sa Yanbu, Saudi Arabia noong Huwebes bilang si Marlon Viernes Delizo, tubong Laptap, Bagabag, Nueva Viscaya.

Ang salarin ay isa ring Filipino na kinilalang si Rogelio Nopal Monia, mula sa Bagong Silang, Caloocan City at kasamahan ni Delizo sa Hai Haider co, isang electrical sub-station sa Yanbu.Ang Yanbu ay isang industrial city na may tatlo at kalahating oras na biyahe mula sa Jeddah.

Ayon kay Albert Adecer, isang volunteer ng V-Team Advocacy Group sa Jeddah, naganap ang pananaksak matapos mag-inuman ang mga manggagawang Filipino. Usap-usapan daw sa lugar na matagal nang may alitan ang biktima at suspek pero naayos naman daw iyon nang araw bago maganap ang patayan.

Samantala, namatay ang 47-anyos na si Edgardo Bolocan, tubong Saint Bernard, Southern Leyte sa King Fahd Hospital sa Jeddah noong Sabado.Ayon sa mga doctor, si Bolocan ay pumanaw dahil sa ascending cholangitis, isang uri ng bacteria na sumira sa kanyang bituka.

Agad na ipinag-utos ni Consul General Ezzedin Tago sa Assistance to Nationals Section ang pag-aasikaso sa namatay upang maiuwi agad ang bangkay sa kanyang pamilya. Si Bolocon ay dinala sa konsulado noong bisperas ng Pasko ng dalawang OFW. Agad siyang inasikaso ni OWWA Welfare Officer Romeo Pablo at halinhinan s’yang inalagaan ng ibang stranded OFWs na pansamantalang nanunuluyan sa OWWA hanggay bawian siya ng buhay. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: