Friday, October 31, 2008

November 28, 2007

http://www.gmanews.tv/story/70552/Anak-ng-OFW-sa-Jeddah-lalaban-sa-Miss-World

Anak ng OFW sa Jeddah lalaban sa Miss World
11/28/2007 09:57 PM

Isang anak ng manggagawang Filipino sa Jeddah ang lalaban sa darating na Miss World Beauty Pageant na gaganapin sa Crowne Plaza sa Sanya, China sa Disyembre 1, 2007.

Si Margaret o Maggie Wilson, 18-taon gulang na anak ng pinaghalong Filipino-Spanish na ina at Scottish-Irish na ama ay makikipagtagisan ng ganda at talino sa 105 na kandidata.Siya ay anak na panganay ni Ginang Sonia Nales Wilson, tubong Bacolod sa Negros at kasalukuyang nagtatrabaho sa Sharbatly Compound bilang guro, at Robert James Wilson na isang Scottish-Irish na nagtatrabaho bilang recreation manager sa Albilad Hotel.

Ipinanganak si Margaret sa Negros subalit sa Jeddah na lumaki, kasama ng kanyang nakababatang kapatid na si Beth.Sa isang panayam, inilarawan ni Sonia ang ugali at pananaw ni Maggie sa buhay.

Ayon sa kanya, wala silang naging problema kay Maggie simula pa sa pagkabata. "Hindi n’ya kami binigyan ng sakit ng ulo. Masyado s’yang independent. Sa school, sa work, ginagawa n’ya ang lahat na hindi humihingi ng tulong. Masyado siyang active. Marami s’yang sinasalihan kaya nagugulat na lang ako na minsan may bitbit na s’yang trophy at nananalo sa mga kompetisyon dito," pagmamalaki ng ina.

"Isa lang ang nakita ko sa kanya. Strong ang kanyang personalidad Kapag sinabi n’ya na gagawin n’ya ay gagawin talaga n’ya," ayon pa kay Sonia.“Bale 13 taon din namin s’yang nakasama dito sa Jeddah bago s’ya umuwi sa Pilipinas dahil nag-artista na s’ya," dagdag ni Sonia.“Hanggang first year lang s’ya sa Al Hekma International School at nag-home study na lang s’ya sa Angelicum ng sumunod na taon," kuwento pa ng ina ni Maggie.

At sa darating na Miss World pageant, nagtitiwala si Sonia sa instinct ni Maggie na gagawin n’ya ang lahat upang manalo. “Pero s’yempre kung manalo man s’ya o hindi ay okay lang sa akin. Ang importante ay nandoon s’ya para mag-represent sa Pilipinas."Very proud din ang kanyang ama na si Bob Wilson sa magagandang pangyayari na dumating sa buhay ng kanyang anak."Nakita ko talaga na determinado s’ya sa kanyang ginagawa. Very focused kaya talagang proud ako sa kanya," pagmamalaking ikinuwento ni Bob.

Kanyang binaliktanaw noong may lumapit sa kanila sa isang mall sa Manila habang nagbabakasyon at nagtanong kung pwedeng mag-artista si Maggie.Subalit nang panahon na iyon ay hindi pa pinag-ukulan ng pansin ng pamilya ang alok dahil nag-aaral pa siya sa Jeddah.

Dumating ang panahon na dahil sa kagustuhan ni Maggie ay pinatulan na ang alok na pasukin ang mundo ng showbiz.Isang malapit sa talent manager na si Douglas Quijano ang naka-discover kay Maggie.Marami na rin s’yang nasalihan na shows sa GMA tulad nang Kakabakaba. Muntik na rin s’yang mapasama sa Marimar pero dahil sa Binibining Pilipinas ay hindi s’ya nakatuloy kaya nga ng nakita n’ya na naging matagumpay ang Marimar ay nanghinayang talaga si Maggie.

Para sa darating na Miss World Finals, ayon kay Sonia, ay excited na siyang pumunta sa China upang mapanood ang anak.“Once in a lifetime opportunity itong patimpalak na ito at naniniwala ako na makukuha ni Maggie ang korona at maging unang Pilipina na manalo sa Miss World," masayang kwento ni Sonia.

Ang mga Filipino sa Jeddah ay natutuwa sa pagsali ni Maggie sa Miss World at buong suporta ang ipinarating nila sa magandang Filipina.Sinabi ni Annette Poynton, kaibigan ng pamilya Wilson, na hangad nila ang tagumpay ni Maggie at maiuwi nito sa ang korona ng Miss World.Si Edgar Julianes naman na nagtatrabaho sa Murad Photo Imaging ay umaasa na makukuha ni Maggie ang panalo. "Bagamat mabigat ang laban ay naniniwala ako na makakaya n’ya ‘yan," dagdag ni Edgar. - Ronaldo Concha, GMANews.TV


No comments: