Saturday, November 15, 2008

April 16, 2008

http://www.gmanews.tv/story/89737/May-breast-cancer-na-Pinay-minolestiya-sa-Saudi-gustong-makauwi


May breast cancer na Pinay, minolestiya sa Saudi, gustong makauwi
04/16/2008 07:46 PM

JEDDAH - Isang Filipina domestic helper ang lumuluhang humingi ng tulong na makauwi sa Pilipinas dahil sa masaklap na kapalaran na kanyang inabot dito sa Saudi Arabia.si Claduia Dinna Bagcat, 34-anyos, hiwalay sa asawa at may dalawang anak, ay nagpunta sa Saudi Arabia noong Mayo 2005 upang mamasukan bilang katulong.

Tubong Madrid,Surigao del Sur si Bagcat.Ayon sa kanyang salaysay, isang araw habang s’ya ay nagtatrabaho ay nauntog ang kanyang dibdib sa isang door knob nang siya ay nagmamadaling lumapit sa kanyang amo nang s’ya ay tawagin nito.

Hindi daw niya inintindi ang nangyari hanggang sa mapansin na lang n’ya ang pananakit at pamamaga ng kanyang dibdib makaraan ang ilang buwan. Huli na nang matuklasan na s’ya pala ay may breast cancer matapos s’yang magpatingin sa doktor.

Mabuti na lang at ipinaopera s’ya ng kanyang amo. Pero matapos daw s’yang maoperahan, ilang araw lang s’yang pinagpahinga ng kanyang amo sa kabila ng bilin ng doktor para sa mahabang oras na kakailanganin sa kanyang pagpapagaling. Wala daw kasing gagawa ng kanyang trabaho kahit pa marami silang ibang katulong.

"Wala po kasing gagawa ng trabaho ko kahit marami kaming katulong doon. Iba ang sa akin, iba ang sa kanila" malungkot na kwento ni Bagat.At ayon pa sa kanya, muling nagbalik ang kanyang sakit. At ang mas masakit daw nito, bago s’ya dalhin ng family driver ng kanyang amo sa ospital para magpagamot ay kailangan muna s’yang hawakan sa dibdib bilang kapalit ng paghahatid sa ospital.

Nagtiis s’ya sa pang-aabuso para lang makapagpagamot hanggang sa hindi na n’ya nakayanan ang sakit na paghawak sa kanyang dibdib lalo pa’t lumalala na ang kanyang sakit na cancer.

Kanya itong isinumbong sa amo pero hindi rin siya pinaniwalaan kaya minabuti n’ya na lang na tumakas.Pero sa kanyang pagtakas, kamalasan pa rin ang kanyang inabot dahil ayon sa kanya ay naloko s’ya ng ahente na nangako sa kanya na maipapa-deport s’ya sa Pilipinas kapalit ng pagbabayad n’ya ng halagang 800 riyals.

Ibinaba lamang si Bagat sa ilalim ng tulay malapit sa Makkah at nitong huli ay dinala siya sa Khandara Bridge kasama ang iba pang stranded na dayuhan na umaasa ring makauwi sa pamamagitan ng deportation.

Pero wala pa ring nangyari sa kanyang pagbabasakali hanggang sa s’ya ay pumunta sa Overseas Workers Welfare Administration sa Philippine consulate upang humingi ng tulong sa kanyang pag-uwi.Nangako naman ang OWWA na sisikapin nilang matulungan na mapauwi si Bagat para makapagpagamot sa Pilipinas. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: