Saturday, November 22, 2008

July 10, 2008

http://www.gmanews.tv/story/106128/Pinoy-na-pinagtangkaang-halayin-tumalon-sa-gusali-sa-Jeddah

Pinoy na pinagtangkaang halayin tumalon sa gusali sa Jeddah

Ronaldo Concha, GMANews.TV07/10/2008 10:53 AM

JEDDAH, Saudi Arabia — Isang Pinoy na nagtatrabaho sa isang supermarket sa Jeddah ang nabalian ng buto sa katawan nang tumalon mula sa ikatlong palapag ng isang gusali para makatakas sa lalaking nagtangka umanong humalay sa kanya.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Valerio, 26 anyos at tubong Cabiao, Nueva Ecija, na nagtatrabaho bilang isang shelf boy sa Bindawood Superstore sa Jeddah.Si Valerio ay kasalukuyang nasa kanilang accommodation matapos siyang ipagamot sa hospital bunga ng pinsalang tinamo sa kanyang pagkakabagsak.

Base sa kanyang salaysay sa mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at kuwento sa GMANews, nangyari ang insidente bandang 12:00 ng madaling araw noong nakaraang linggo. Aniya, may isang arabo na katatapos lang magbayad ng kanyang pinamili ang nakiusap na magpasama sa kanila para maihatid siya sa kanyang tinitirhan.

Noong una ay tumanggi ang biktima dahil sa alanganing oras at hindi niya kilala ang Arabo. Pero dahil pagmamakaawa ang lalaki at magaling magsalita ng Ingles ay sinamahan nya ito sa tinitirhan malapit sa Bindawood Superstore.

Pagdating nila sa labas ng tinitirhan ng Arabo, sinabi ni Valerio sa lalaki na babalik na sya sa supermarket. Pero muling nakiusap ang Arabo na samahan s’ya hanggang sa loob ng tirahan sa ikatlong palapag. Dahil sa awa, muli na naman niyang pinagbigyan ang Arabo.

Nakiusap din umano ang lalaki na ipasok sa loob ang mga pinamili na pinaunlakan din ng Pinoy.Pagkabukas umano ng ilaw ay tumambad sa kanya ang napakaruming paligid ng tirahan ng Arabo."Hindi ako makapaniwala sa nakita ko sobra ang dumi ng bahay at magulo. Parang abandonado at pati ang ref ay hindi naman gumagana kaya natakot ako lalo pa’t isinara ng Arabo ang pinto," ani Valerio.

"Pinalalapit n’ya ako sa kanya habang ang isang kamay n’ya ay nakatago sa likod n’ya na para bang may hawak na hindi ko makita." Ayon sa biktima, hindi na siya nagdalawang isip at tinakbo ang pinto na nakabukas at sumampa sa terrace.

Dahan-dahan siyang bumaba at naglambitin para makapwesto at makapasok sa ikalawang palapag.Hinabol umano ito ng suspek at nakiusap sa kanya na umakyat na pilit na hinahawakan ang kanyang kamay habang ang isang kamay ay nakatago pa rin sa likod. Doon na umano siya nag desisyon na magpatihulog at sinabi na, ‘di bale na akong mamatay sa labas kaysa sa madale n’ya ako.

"Hindi naging maganda ang pagkakapasok nito sa ikalawang palapag kaya bumaliktad at tuloy-tuloy na nahulog hanggang sa ground floor. "Himala na nabuhay pa ako. Hindi ko alam kung paano ako nakabalik sa aming tindahan at maisumbong ang nangyari sa akin," aniya.Matapos ang imbestigasyon ng pulisya ay itinakbo ito sa hospital para malapatan ng lunas.

Ayon sa isang nurse, aabutin ng tatlong buwan ang biktima na hindi makakapagtrabaho dahil sa pilay sa likod. Bagaman hindi grabe ang pinsala, kailangan siyang lagyan ng brace.Napag-alaman naman supervisor ng Pinoy na nahuli na ang suspek at kasalukuyang nakakulong. Idinagdag nito na nagpunta ang ina ng suspek upang makipag-areglo sa biktima."Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ang hirap nang kalagayan ko.

Hindi ako makakilos nang maayos at wala pa akong trabaho at nag-iisa lang ako sa accommodation," pahayag ng biktima.Ayon naman kay Welfare Officer Romeo Pablo ng OWWA sa Philippine Consulate sa Jeddah, ang biktima ay miyembro ng OWWA at maaring makakuha ng benepisyo sa sakunang kanyang kinahantungan."Gagawin namin ang aming magagawa para mabigyan ng tulong ang kalagayan ng OFW.

Kakausapin din namin ang employer niya para mibigyan ng pansin ang kanyang kalagayan," pagtiyak ni Pablo.Sa ngayon ay umaasa ang biktima na mabigyan ng hustisya ang kanyang sinapit habang naghihintay ng tulong sa mga Pilipino na makapagbigay ng pambili ng brace para makakilos ng maayos. GMANews.TV

No comments: