Sunday, November 23, 2008

September 19, 2008

http://www.gmanews.tv/story/121514/Pinay-nagtayo-ng-negosyo-sa-Saudi

Pinay nagtayo ng negosyo sa Saudi
09/19/2008 05:27 PM

JEDDAH -Dinala ng isang Pinay ang kanyang negosyo sa Middle East sa hangaring makatulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nais makapagpundar ng sarili nilang bahay sa Pilipinas.

Sa tulong ng kaibigan sa Saudi Arabia, naitayo ni Melissa "Elsie" Chua, ang kanyang CDC- Holding sa Jeddah na kaakibat ng Quadrillon Realty Investments.Nasa realty estate business si Chua sa Pilipinas at hangad umano niyang maisakatuparan ang karaniwang pangarap ng mga OFW na magkaroon ng sarili bahay sa bansa.

Ikinuwento ni Chua ang kanyang karanasan nang unang siyang magsagawa ng road show presentation sa Riyadh upang manghikayat ng mga nais kumuha ng bahay at lupa sa kanyang kumpanya.Inihayag nito na isang Pinay ang lumapit sa kanya at nagsiwalat ng kanyang kalooban tungkol sa mahabang panahon na pagtatrabaho sa Saudi ngunit walang kakayahan na makabili ng bahay sa Pilipinas.

"Sinabi sa akin ng babae na ‘dinaing’ na sya rito sa Saudi at humihingi sya nang tulong kung paano sya magkakabahay sa Pilipinas," ayon kay Chua. Idinagdag ni Chua na dahil panahon ng Pasko noon, nakipagtulungan siya sa isang bangko upang makapagpa-raffle ng apat na bahay sa Sta Rosa, Laguna sa layuning makapagbigay ng kaligayahan sa mga OFW.

Mula noon ay inasikaso nito ang planong dahil sa Saudi ang CDC Management upang magkaroon ng pagkakataon ang mga migranteng Pinoy na makapagpundar ng sariling bahay sa Pilipinas kahit hindi kalakihan ang kanilang kita.“Gusto ko na makapagsilbi sa kanila ng personal para maipakita ko sa ating mga kababayan kung ano ang mga benepisyo na makukuha nila sa pag-iinvest ng property sa bansa," dagdag ni Chua na may nakipag-ugnayan na rin umano sa PAG-IBIG Program para lalong maging magaang sa mga OFW ang pagkuha ng bahay.

Aminado si Chua na wala sa kanyang isip na darating ang araw na makapagtatayo siya ng negosyo sa Gitnang Silangan."Hindi ako makapaniwala. Wala sa hinagap ko na makakapunta ako rito sa Jeddah.

Napilitan lang ako pumunta rito dahil sa imbitasyon ng Sheik na aking nakilala nang bumisita sya sa Manila noong 2007," kwento niya.Sa isinagawa niyang market study, sinabi ni Chua na napuna nito na karamihan sa mga OFW sa Saudi ay tila wala ng interes na bumalik sa Pilipinas dahil walang sariling bahay na naipundar sa kabila ng matagal na pagtatrabaho sa naturang bansa.

"Ang ginawa ko ay susubukan kong buksan ang isip nila sa pamamagitan nang pagpapaalala sa kanila na iba pa rin ang nasa sarili kang bayan at mas masarap na may pinaghahandaan sa hinaharap kaya dinala ko (rito) ang Quadrillon," aniya.Maliban sa real state, nakatakda na ring pumasok si Chua sa iba pang negosyo tulad ng Mellaware o "Pinggan ng Bayan." Bukod pa rito pagdala ng isang prangkisa mula sa malalaking kumpanya sa Pilipinas.

Bukod sa Saudi, nagbukas din si Chua ng sangay ng kanyang kumpanya sa Doha, Qatar at Dubai.Ang mga interesadong OFWs na magkaroon ng sariling bahay ay maaring makipag-ugnayan sa kumpaya ni Chua na makikita sa Samariah, Tahlia, malapit sa Sarawat International Market. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: