Sunday, November 23, 2008

July 29, 2008

http://www.gmanews.tv/story/110137/OFW-na-nakatakdang-umuwi-sa-Pinas-nasawi-sa-ospital


OFW na nakatakdang umuwi sa Pinas nasawi sa ospital
07/29/2008 07:28 PM

Nauwi sa kalungkutan ang pananabik ng isang overseas Filipino worker na makauwi sa Pilipinas matapos itong mamatay sa sakit sa isang pagamutan sa Saudi Arabia.Kasamang pumanaw ni Emelita Ramos, 58-anyos, tubong Iriga City, ang kanyang pananabik na makapiling ang pamilya na 16-taon niyang hindi nakapiling.

Nitong Hunyo 6, inatake umano ng high-blood si Ramos habang nagtatrabaho kaya isinugod ito sa isang ospital. Dahil sa komplikasyon ay nauwi sa coma ang kondisyon ng OFW hanggang sa tuluyang pumanaw matapos ang isang buwan na pagkakaratay.

Ayon kay Domingo Cabal, kabigan ng OFW, nakatakdang umuwi ng Pilipinas si Ramos sa susunod na buwan at hinihintay na lamang ang kanyang exit visa na ibibigay ng anak ng kanyang amo."Excited na sya dahil pagkatapos ng 16 taon ay ngayon lang sya makakauwi," ayon kay Cabal.

“Nakapag-empake na sya ng kanyang mga gamit. Sabik din siya na makita ang pitong anak na napagtapos nya ng pag aaral.""Napakabait ni Mamay (palayaw ni Ramos). Marami siyang natulungan kaya napakaraming dumadalaw kay Mamay sa ospital nung nabubuhay pa," idinagdag ni Arnold de Guzman.

Dahil sa pagkaratay ng isang buwan sa pagamutan, sinabi ni Cabal na naibenta ang ilang gamit ni Ramos tulad ng alahas upang may panggastos sa ospital. Ang mga gamit ay balak sanang ipasalubong ni Ramos sa kanyang pamilya sa Pilipinas.Umaabot umano sa 25,000 Riyals ang gastusin ni Ramos sa hospital kung saan 10 Riyals pa lang nababayaran na karamihan ay mula sa kontribusyon ng ilang kababayan.

Tiniyak naman ni Welfare Officer Romeo Pablo ng Overseas Workers Welfare Administration, na gagawa sila ng hakbang upang maasikaso ang pagpapauwi sa mga labi ni Ramos.Nananawagan na rin si Cabal sa mga may ginintuang puso na tulungan si Ramos at makipag-ugnayan sa OWWA. - Ronald Concha, GMANews.TV

No comments: