Saturday, November 1, 2008

February 21, 2008

http://www.gmanews.tv/story/81668/Pinoy-nagpuslit-ng-relo-sa-supermarket-sa-Jeddah-nahuli-sa-akto


Pinoy nagpuslit ng relo sa supermarket sa Jeddah, nahuli sa akto
02/21/2008 11:22 PM

"Magsilbing aral sana ito sa ating mga kababayan lalo na sa mga nagtatrabaho sa supermarket na huwag magnakaw para hindi mapahamak."Ito ang mga binitawang kataga ni Bobby (hindi tunay na pangalan) na nagtatrabaho sa isang kilalang supermarket sa Jeddah matapos na ang isa sa kanyang mga katrabaho ay nahuli na may nakasukbit na relo sa kanyang bulsa.

Ayon sa kanya, si Raul (hindi tunay na pangalan) ay nahuli noong Linggo ng gabi habang papalabas sa supermarket at biglang tumunog ang sensomatic (isang uri ng aparato na tumutunog kapag may isang bagay na idinaan dito na may nakadikit pang sensomatic sticker) pagtapat niya dito.

Agad nakatawag ng pansin ang pagtunog ng aparato kaya’t agad na bumalik si Raul, sabay sabi sa gwardya na may natapakan lamang s’yang may patunog na bumaon sa kanyang sapatos habang palihim na kinuha sa kanyang bulsa ang relo at inihagis sa gilid ng hagdan.Kuwento pa ni Bobby, may nakakita na ibang lahi sa ginawa ni Raul at agad nila itong ipinaalam sa kanilang manager kaya s’ya ay hinuli at inimbestigahan.Dahil sa pagkahuli sa akto ay walang nagawa si Raul kundi aminin ang krimen.

Agad s’yang dinala ng mga guwardya, kasama ang manager, kanyang tinitirahan upang tingnan kung mayroon pang ibang naiuwi si Raul mula sa supermarket.Habang naghahalughod ay natuklasan na meron pa palang mga ibang bagay na kinuha si Raul sa supermarket at itinago ang mga ito sa isang cabinet. “Hindi lang relo ang nakita doon, iba-iba at may pagkain pa yata," kwento ni Bobby.

Agad na ipinaabot sa may ari ang pagkuha ng mga gamit ni Raul na tinatayang nagkakahaga ng 3,000 riyal. Ayon kay Bobby, kailangang bayaran ito ni Raul ng halagang may katumbas na sampung doble."Sa pagkakarinig ko ay malamang na 10,000 riyal na lang ang ipapabayad sa kanya at s’ya ay pauuwiin na. Sana hindi s’ya ikulong," sabi ni Bobby.Agad namang kumalat ang balita sa kanyang mga kasamahan sa trabaho sa lahat ng mga sangay ng supermarket.

Sabi ng isang Pilipino na ayaw ding magpabanggit ng tunay na pangalan: "Hindi tama ang kanyang ginawa, napapahiya tayong mga Filipino dito. Iisipin nila magnanakaw tayong mga Filipino."Komento ng isa pa sa mga kasamahan ni Raul, "Ano ba naman itong mga nangyayari sa ating mga kasamahan, nasa kulungan pa nga ang iba naming mga katrabaho hanggang ngayon dahil sa pagnanakaw tapos eto na naman ang ginawa ng isa pa naming kasamahan."

“Sana hindi na maulit ang ganitong mga gawain dahil tayo rin ang malalagay sa alanganin kung patuloy nilang gagawin ito," malungkot na pahayag ng isa ring kasamahan ni Raul sa trabaho.Sa ngayon ay hindi pa alam ni Bobby kung ano ang magiging desisyon ng mga may katungkulan tungkol sa kaso ni Raul. – Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: