Monday, November 24, 2008

November 13, 2008

http://www.gmanews.tv/story/133317/OFW-sa-Jeddah-namatayan-ng-mag-iina-sa-Pinas-nagtangkang-mag-suicide

OFW sa Jeddah namatayan ng mag-iina sa Pinas nagtangkang mag-suicide
11/13/2008 05:36 PM

JEDDAH, Saudi Arabia – Nagtangkang magpakamatay ang isang overseas Filipino workers sa bansang ito sa sobrang sama ng loob matapos hindi kaagad payagan ng amo na makabalik ng Pilipinas matapos mabalitaan na namatay sa aksidente ang kanyang mag-iina.

Napag-alaman na tatlong buwan pa lamang nagtatrabaho sa Jeddah bilang family driver si Virgilio S. Servanez Jr., 38-anyos, tubong Abucay, Bataan, kaya naman nakiusap sa kanyang amo na payagan siyang makauwi sa Pilipinas kahit sandali upang makita sa huling pagkakataon ang kanyang pamilya.

Nalaman umano ni Servanez sa kanyang kapatid ang pagpanaw ng kanyang asawa at dalawang anak sa isang aksidente nang mabunggo ng isang pampasaherong bus ang sinasakyang ng van ng mga biktima.

Kaagad umanong lumapit ang OFW sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration upang mamagitan para sa kanyang amo para mabigyan siya ng exit visa upang makauwi sa Pilipinas.Ngunit sa kabila umano ng ibinigay na promissory note ng OWWA ay hindi pumayag ang amo ni Servanez. Nadala na umano ang amo nito na mag-abono dahil sa ginawa ng ibang naunang mga nagtrabaho rito na hindi na bumabalik kapag pinayagang umuwi ng kanilang bansa.

Dahil sa pagkadismaya at matinding kalungkutan ay naisipan ni Servanez na maglaslas ng pulso. Mabuti na lamang umano at naagapan ito ng mga kapwa kasambahay kaya nailigtas ang OFW.

Ngunit ipinadakip pa rin siya ng kanyang amo sa pulisya at nakulong sa presinto."Nagulat ako sa dami nang pulis na dumating at dinala ako sa presinto. Doon inalam nila kung bakit gusto kong magpakamatay. Mabuti na lang at may isang medyo nakakaintindi ng english kaya naipaliwanag ko ang nangyayari," kwento ni Servanez.

Sa tulong umano ng mga kapwa Filipino at kamag-anak sa Pilipinas ay nakalikom si Servanez ng pambili ng tiket sa eroplano pauwi ng Pilipinas."Halos masiraan na ako ng ulo, hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto kong makita ang aking mag-iina. Bakit nangyari ito sa amin," paglulumo ng OFW. - Ronald Concha, GMANews.TV

No comments: