Monday, November 24, 2008

October 30, 2008

http://www.gmanews.tv/story/130388/OWWA-dapat-sumagot-sa-gastos-ng-nakaratay-na-OFW--Migrante

OWWA dapat sumagot sa gastos ng nakaratay na OFW – Migrante
10/30/2008 05:02 PM

JEDDAH, Saudi Arabia – Iginiit ng militanteng grupo ng mga migranteng manggagawa na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang dapat sumagot sa mahigit P1 milyon gastusin ng overseas Filipino workers na nakaratay sa pagamutan.

Sinabi ni Andrew Ociones, chairperson ng Migrante KSA chapter, ang problema sa medical benefits ni Aida Gutierrez ay pangkalahatang problema ng mga migranteng manggagawa.

“Sa kabila ng matapat na pagbabayad ng lahat ng OFWs ng kanilang responsibilidad sa gobyerno, sa OWWA, maging sa Phil Health ay walang benepisyong nakukuha ang mga migranteng Pilipino," puna ni Ociones.Sinabi nito na kung tutuusin ay 20 porsyento lang umano ang maximum na sinasagot ng PhilHealth sa pagpapa-ospital ng mga pasyente.

Dahil dito ay wala umanong epektibong benepisyo na nakukuha ang mga manggagawa.

Sinisi ni Ociones ang patakarang ipinatupad ng Pangulong Gloria Arroyo na tanggalin ang medical insurance bilang bahagi ng OWWA benefits at ang OWWA Omnibus Policies na nagtanggal umano sa halos lahat ng benepisyo ng OFWs. Dahil dito ay nanawagan si Ociones na ibalik sa pangangalaga ng OWWA ang medical benefits ng mga OFWs, palawakin ang serbisyong medikal ng mga migrante at ibasura ang OWWA Omnibus Policies.

Ayon sa kapatid ni Aida na si Precy, umabot na sa halos P1.6 milyong ang babayarin nila sa ospital dahil pagkakataray ng OFW na inabandona ng kanyang amo."Paano ang gagawin ko sobra na ang laki nito," nangangambang pahayag ni Precy.

Si Adia ay mag-iisang buwan nang nakaratay sa isang pribadong hospital dahil sa sakit na disturbed conscious level, diabetes mellitus at renal failure.Sinabi naman ni Philippine Ambassador Antonio Villamor na dapat mailabas na sa ospital si Aida at maiuwi sa Pilipinas dahil patuloy na lalaki ang bayarin nito.

Naniniwala siya na higit na mabibigyan ng mahusay na medikasyon si Aida kung maiuuwi sa Pilipinas kapiling ng kanyang pamilya.Hanggang ngayon naman ay hinihintay pa rin ng consul general ng Pilipinas ang magiging tugon ng OWWA sa pagsagot sa gastusin ni Aida sa ospital.

Tiniyak din ng Migrante na gagawa ito ng paraan upang makahanap ng tulong para mabayaran ang gastusin ni Aida. Napag-alaman na nagpadala na rin sila ng sulat kay Senate President Manny Villar. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: