Saturday, November 22, 2008

July 18, 2008

http://www.gmanews.tv/story/107858/May-kanser-na-OFW-sa-Jeddah-kailangan-ng-tulong

May kanser na OFW sa Jeddah kailangan ng tulong
07/18/2008 07:53 PM

JEDDAH - Humihingi ng tulong ang isang Pinay overseas worker na sumasailalim sa chemotherapy sa isang oospital sa Jeddah dahil sa kanyang stage 3 cancer.

Si Rowena Dominguez, 42-anyos, tubong Olongapo City, ay natuklasang may tumor sa kanyang kaliwang dibdib noong Pebrero 26. Agad siyang isinailalim operasyon at ngayon ay kailangang mag-chemotherapy upang patayin ang natitirang cancer cell sa kanyang katawan.

Kailangan ni Rowena ng malaking halaga upang tustusan ang walong session ng chemotherapy at 15 session ng radiation. Hindi pa kasama rito ang gastusin sa mga gamot na kailangan niyang inumin.Naisagawa ang mga paunang chemotherapy ni Rowena sa tulong ng ilang foundations at mga kasamahan sa trabaho at kaibigan.

Ngunit hindi ito pangmatagal kaya humingi siya ng tulong sa iba upang masuportahan ang kanyang pagpapagamot.Sinabi ni Rowena na mahal ang dalawang uri ng gamot na kailangan sa kanyang tuloy-tuloy na chemotherapy.

Ang isa sa mga gamot na Taxotere na 130mg. ay nagkakahalaga umano ng 5,357 Riyals ang bawat isa. Tatlo umano ang kailangan ng OFW.“Ang mas mahal ay yung Herceptin na nagkakahalaga po ng 7,778 Riyals bawat isa, 12 po ang kailangan ko nito. Saan po ako kukuha ng ganyang kalaking halaga para sa aking chemo," umiiyak na pahayag ni Rowena.

Ayon kay Rowena, ang kanyang mga anak ang nagpapalakas ng kanyang loob upang labanan ang cancer at tiisin ang sakit sa tuwing sumasailalim sa chemotherapy."Lumalapit po ako sa inyo, sa aking mga kababayan, sa mga may ginintuang puso na sana tulungan po ako na maipagpatuloy ko ang aking pagpapagamot," pakiusap niya. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: