Monday, November 24, 2008

November 15, 2008

http://www.gmanews.tv/story/133784/OFW-na-nabaon-sa-utang-sa-ospital-makauuwi-na-sa-RP

OFW na nabaon sa utang sa ospital makauuwi na sa RP
11/15/2008 05:41 PM

JEDDAH, Saudi Arabia – Maaari ng umuwi sa Pilipinas ang overseas Filipino workers na inabandona ng kanyang amo at nabaon sa utang sa bayarin sa ospital dahil sa pagkakaratay ng mahigit isang buwan.

Napag-alam na sinagot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang gastusin ng OFW na si Aida P. Gutierrez na umabot sa P1.7 milyon sa pananatili ng may 40-araw sa Saudi German Hospital.

Nakipag-ugnayan umano si Welfare Officer Romeo Pablo kasama ang kapatid ni Aida na si Precy sa pamunuan ng ospital upang ayusin ang gastusin ng OFW na nabigyan naman ng malaking diskwento dahil na rin sa sitwasyon ng pasyente.

Sinabi ni Pablo na posibleng idiretso na sa airport pabalik ng Pilipinas si Aida pagkalabas nito sa ospital sa Sabado o Linggo. Kailangan na lamang umanong asikasuhin ang dokumento ng OFW at pakikipag-ugnayan sa naging sponsor nito.Ipinaabot ni Pablo ang pasasalamat sa magandang pakikitungo at pag-asikaso ng pamunuan at kawani ng pagamutan kay Aida.

Lubos naman ang pasasalamat ni Precy sa OWWA at sa mga taong tumulong upang malutas ang problema nila sa bayarin sa pagamutan. "Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Akala ko ay wala na itong katapusan kaya taos-puso ang aking pasasalamat sa pamunuan ng hospital," pahayag ni Precy.

Ipinaabot din nito ang pasasalamat at hindi sila pinabayaan ng mga opisyal ng Pilipinas na sina Consul General Ezzedin Tago, Consul Leo Tito Ausan, Ambassador Antonio Villamor at OWWA Administrator Carmelita Dimzon.Bagaman natapos na ang problema nila sa ospital sa Jeddah, batid umano ni Precy ang panibagong pagsubok na kanilang kakaharapin pag-uwi sa Pilipinas para sa patuloy na pagpapagamot kay Aida.

Sinabi nito na malaki na ang ibinuti ng kalagayan ng kanyang kapatid na naratay ng matagal sa pagamutan dahil halos hindi na makalakad ngunit tumanggi noon ang amo nito na sagutin ang gastusin sa ospital.

"Napakalaki ng utang na loob naming magkapatid sa mga tumulong sa amin, sa mga opisyal ng konsulado, sa mga accountant, sa mga kapwa OFWs, sa grupong Migrante na nagbigay ng lakas ng loob sa amin at sa lahat, salamat po," ayon kay Precy. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: