Monday, November 24, 2008

October 23, 2008

http://www.gmanews.tv/story/128951/Tulong-ni-Villar-inaasahan-ng-OFW-na-may-sakit-sa-Jeddah

Tulong ni Villar inaasahan ng OFW na may sakit sa Jeddah
10/23/2008 05:41 PM

JEDDAH – Patuloy ang paglobo ng bayarin sa ospital ng isang overseas Filipino workers na inabandona ng kanyang amo sa Jeddah, Saudi Arabia mula nang magkasakit.Ayon kay Precy Gutierrez, hindi niya malaman kung saan kukunin ang 105,000 Riyals na bayarin sa ospital para sa kanyang nakaratay na kapatid na OFW na si Aida.

Patuloy umanong inoobserbahan ang kondisyon ni Aida na hindi na makalakad dahil sa paghina ng kanyang katawan partikular ang muscle. Kailangan umanong isailalim ang OFW sa MRI ngunit hindi ito maisagawa dahil na rin sa kawalan ng pera ng pasyente."Natatakot na po ako dahil sa sobra na ang laki ng aming dapat bayaran.

Saan ako kukuha ng pambayad sa ospital?" nababahalang tanong ni Precy.Sinabi nito na patuloy silang umaasa sa mga kapwa OFWs at mga organisasyon na nangako ng tulong para kay Aida. Humihingi rin umano siya ng tulong sa ilang opisyal sa Pilipinas partikular kay Senate President Manny Villar na kilalang nagbibigay ng suporta sa mga nagigipit na OFWs."Lumapit na po ako sa iba’t-ibang organisasyon ng mga Pilipino sa Jeddah.

Masaya naman po ako dahil nagpahayag naman po sila ng kanilang tulong. Mag-aambag-ambag daw sila at iaabot agad sa amin ‘pag nakalikom na sila," kwento ni Precy.Malaki rin ang kanyang pag-asam na hindi sila bibiguin ni Villar na nakapag-pauwi ng mga stranded OFWs mula sa Middle East partikular sa Jordan pabalik ng Pilipinas.

Regular din umano ang ginagawang pagbisita nina Consul Leo Tito Ausan Jr. at Consul General Ezzedin Tago kay Aida upang alamin ang kalagayan ng OFW.“Inaalam nila palagi ang kondisyon ni ate ko at sinabihan ako na ‘wag mawalan ng pag-asa. Ipinaalam din nila na hinintay lang nila ang sagot sa kanilang home office sa Pilipinas para sa kaso ng ate ko.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa pamunuan ng ospital at tiniyak naman na makakuha ng malaking diskwento" idinagdag ni Precy.Ayon kay Tago, matigas pa rin ang amo ni Aida at patuloy ang pagtanggi na akuin ang mga bayarin sa ospital ng OFW.

Napag-alaman na hindi nito kinuha ng health care insurance si Aida na dapat ay kasama sa Cooperative Health Insurance Act of 2006 ng Saudi. Ipinaliwanag ng opisyal na mula noong Setyembre ay inuobliga ang mga employer na may empleyado na 50 pababa na ikuha ng compulsory health insurance ang kanilang mga tauhan.

Sinabi ni Tago na nilabag ng employer ni Aida ang naturang batas ng kaharian kaya isinumbong na nila ito sa kanilang gobyerno.Ang mga nais magbigay ng tulong kay Aida ay maaaring makipag-ugnayan sa konsulado ng Pilipinas. - Bong Concha, GMANews.TV

No comments: