Tuesday, November 25, 2008

November 25, 2008

http://www.gmanews.tv/story/135631/Lolang-OFW-na-may-kanser-sa-Saudi-nais-ng-umuwi


Lolang OFW na may kanser sa Saudi nais ng umuwi
11/25/2008 08:33 PM

Email this Email the Editor Print Digg this Add to del.icio.us
JEDDAH, Saudi Arabia – Wala ng ibang hangad ngayon ang 61-anyos na Pinay domestic helper na si Fely Borlongan kundi ang makauwi ng Pilipinas upang makapiling ang kanyang pamilya sa natitirang bahagi ng kanyang buhay.

Si Borlongan, tubong Hagonoy, Bulacan ay kabilang sa malaking bilang ng mga DH na tumakas sa kanilang mga amo dahil sa mga kaso ng pagmamaltrato, pagiging biktima ng pang-abuso, hindi tamang pasahod at labis na pagtatrabaho.

Ngunit bukod sa kanyang edad at pagiging runaway, nakadagdag sa dinaramdam ni Borlongan ang kanyang sakit na lung cancer.Ayon kay Borlongan, taong 1989 nang magsimula siyang magtrabaho sa Saudi, Arabia at mula noong ay nagpabalik-balik na upang maghanap ng mapapasukan.

Noong 2007 ay tumakas umano siya sa kanyang amo dahil sa alitan.Ngunit nitong Agosto ay nagpasuri siya sa duktor dahil sa nararamdamang sakit sa katawan at dito natuklasan ang kanyang kanser sa baga.Kwento ni Paz Bayan, kaibigan at tumutulong kay Borlongan, nanghingi na sila kontribusyon sa kanilang mga kaibigan para maipagamot ang sakit ng huli.

Ngunit dahil lumulubha ang kondisyon nito, ang lolang DH na ang nakiusap na tulungan na lamang siyang makabalik ng Pilipinas."Hirap na hirap si Fely lalo na ‘pag sumusumpong ang kanyang sakit. Hindi sya makagulapay sa sakit," ayon kay Paz.

Lumapit na umano sila sa Assistance to National section ng Department of Foreign Affairs para humingi ng tulong upang makauwi si Borlongan. Kaagad namang nakipag- ugnayan ang ahensya sa kanyang amo upang makuha ang kanyang pasaporte.

Kapalit nito ay mawawalan na ng obligasyon ang foreign employer kay Borlongan.Para makauwi, kailangan umano ni Borlongan na bayaran ang penalty para sa kanyang expired Iqama, makansela ang report na sya ay tumakas, at pamasahe sa eroplano na nagkakahalaga ng 5,600 Saudi riyals."Saan ako kukuha ng ganyang kalaking halaga?

Wala na po akong trabaho. Ang perang naikontribusyon ng aming mga kaibigan ay naubos na sa pagpapagamot ko," malungkot na pahayag ni Borlongan. Bukod sa problema sa kanyang kalagayan, iniisip din ni Borlongan ang kinabukasan ng kanyang tatlong apo na ulila na sa ina matapos pumanaw ang kanyang anak.

Siya umano ang tumutustos sa pag-aaral ng mga ito. Habang ang iba niyang anak ay may kanya-kanya na ring pamilya at hindi rin gaanong sinuwerte sa buhay."Nanghihina na po ako dahil sa matindi ang kirot na nararamdaman ko sa aking katawan. Hirap na po ako rito kaya gusto ko nang umuwi para makasama ko ang aking mga anak.

Sila na lang ang nagbibigay sa akin ng lakas," pahayag ni Borlongan.Sinabi ni Elsa Masa, nakatalaga sa Assistance to National section, gumagawa na sila ng paraan upang makauwi si Borlongan.

Nakahingi na umano sila ng request sa opisina sa Maynila at hinihintay na lamang ang magiging kasagutan."Wala naman ng problema sa kaso nya dahil nakipag-coordinate na ang kanyang amo. Wala naman na silang magagawa dahil sa naisurender na sa immigration ang passport ni Fely. Kaya kami na ang mag-aayos sa kanyang mga penalty.

Tapos nagbigay din ng 500 Saudi riyals ang kanyang amo nang magkaharap harap sila rito sa opisina," pagtiyak ni Masa. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV

No comments: