Sunday, November 23, 2008

August 20, 2008

http://www.gmanews.tv/story/115049/Mga-migranteng-Pinoy-sa-Jeddah-kontra-sa-Unified-Contract


Mga migranteng Pinoy sa Jeddah kontra sa Unified Contract
08/20/2008 11:27 PM

JEDDAH — Nanawagan ang isang umbrella organization ng mga recruiter sa mga Filipino community sa Saudi Arabia na magkaisa at ipaalam sa pamahalaan ng Pilipinas ang kanilang pagtutol sa Unified Contract na ipapatupad ng Saudi National Recruitment Committee (Sanarcom) simula sa Setyembre.

Ayon kay Victor Fernandez, presidente ng Philippine Association of Service Exporters, Inc. (PASEI), mahalagang malaman ng mga migranteng manggagawa na hindi patas ang nilalaman ng unified contract na nais ipatupad ng Sanarcom.Nakipag-usap ang Pasei sa grupong KASAPI Congress at ang ibang organisasyon ng Filipino community sa Saudi kamakailan.

Ipinaliwanag ni Fernandez sa mga migranteng Filipino ang mga probisyon na nakapaloob sa unified contract at ano ang magiging epekto nito sa isang OFW. Ilan sa mga dumalo sa pulong ang nagpahayag ng galit nang malaman ang nilalaman ng unified contract.

Ayon kay Rudy Dianalan, hindi maganda ang magiging resulta ng unified contract at magdudulot ng dagdag na pabigat sa gastusin ng mga OFW.Napagkaisahan ng KASAPI na gumawa ng resolusyon na nagpapahayag ng pagtutol sa unified contract.

Mangangalap din sila ng lagda mula sa mga OFW upang suportahan ang resolusyon.Idinagdag ng KASAPI na kaagad nila ipadadala sa mga opisyal sa Pilipinas ang makakalap nilang mga pirma sa lalong madaling panahon.

Pinuna naman ni Peter Bermudez, kabilang sa mga dumalo sa pulong ang kawalan umano ng pagkilos ng pamahalaan ng Pilipinas na pigilan ang pagpapatupad ng unified contract simula sa September 1.

Gagawa din umano ng sulat ang mga OFWs na kanilang ipadadala sa pamahalaan ng Pilipinas upang hilingin kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na pigilin ang pagpapatupad ng bagong patakaran ng Sanarcom.Ikinunsidera naman ni Red Bual, presidente ng Boholano Community hindi makatarungan ang nilalaman ng unified contract na maituturing na panloloko sa mga Filipino.

Ipinaliwanag ni Fernandez na sa ilalim ng unified contract ay hindi ang ahensya ng gobyerno ng Saudi ang kanilang kinokontra kundi sa mga ahensya lamang na miyembro ng Sanarcom.Nangako ang ibat-ibang lider ng mga komunidad ng Pinoy sa Saudi na gagawin ang kanilang makakaya para maipakalat sa mga Filipino sa Saudi ang resolusyon at sulat sa lalong madaling panahon. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

No comments: